Monday, May 16, 2011

Ice Cream



“Angelie Nieves Bautista, Salutatorian.”  Sumunod ang palakpakan.

Tumayo ang isang babae, naglakad papunta sa harapan habang tumutunog na parang mga mumunting kampana ang apat na medalyang nakasabit sa kanyang leeg.  Sinundan siya ng kanyang mga magulang na tuwang tuwa na sila’y muling aakyat ng entablado. Mapagkumbabang  tinanggap ng babae ang medalyang inabot ng Principal, binigay ang medalya sa kanyang ina at yumuko. Nagpalakpakan muli nang isabit ng ina ang medalya sa anak.

Patuloy pa rin ang aking pagpalakpak kahit humupa na ang mga papuri. Napalingon sa akin ang ibang tao sa likuran, waring nagtataka kung bakit hindi pa ako humihinto.

“Roman Abesamin Cruz, with honors.” Palakpakan ulit.

Bumaba na ang babae sa entablado akay-akay ng kanyang ama. Tumalikod ako at umalis sa sinasandalan kong pintuan sa likuran ng multi-purpose hall. Sa nararamdaman kong tuwa at lungkot, hindi ko napansing tumutulo na pala ang aking mga luha. Yumuko ako at patago itong pinunasan.

“Paalam anak. Congratulations. Mag-iingat ka sana sa pag-aaral mo sa Maynila,” bulong ko nalang sa aking sarili habang umiiwas sa mga taong nagsisiksikan sa likuran.

Sa aking paglabas, nadaanan ko ang maliit na palaruan ng eskwelahan. Walang ano-ano’y napaluha akong muli habang inaalala ang ngiti ng aking anak habang kumakain ng paborito niyang ice cream na binibigay ko sa kanya noong bata pa siya. Tuwing matatapos ang paglalaro niya kasama ang mga kaibigan, dito kami parating nagkikita, “Salamat Manong! Sa susunod pede po bang yung cheese flavor naman?” nakangiting sambit ng munting Angelie.

Sumikip ang aking dibdib. Pilit kong inaalis sa aking isip ang nakangiti niyang mukha. Nagsisisi man ako sa mga pangyayari, wala na akong magagawa.

Lumabas ako ng gate ng eskwelahan na mabigat ang bawat hakbang – tulak tulak ang hindi pa nauubos kong benta na sorbetes.

5 comments:

forever gleek said...

HAY! naiiyak ako dun sa tatay, wawa naman!

Rah said...

Totoo yan, marami ngang ganyan sa mga pinoy na hindi mapagaral ang kanilang mga anak.

Goes to show na backward parin tong bansa natin at pyudalismo parin ang umiiral dito. Ang edukasyon, tulad ng hustisya ay logistically para lang sa mga mayayaman.

iya_khin said...

nasad naman ako....ganyan talaga ang life...people come n go..

Anonymous said...

kay hirap ng gangyang hindi ikaw ang nagpalaki sa sarili mong dugo't laman.. dahil lang sa hirap ng buhay at alam mong wala kang mabibigay n na magandang kinbukasan sa anak mo. bravo! pagpatuloy mo ang iyong pagsulat..

krn said...

the lesson is don't bear a child kung hindi kaya pag-aralin. haha. but it's sad. the parent has to do something, tell the truth. the truth always sets us free though.

Protected by Copyscape Online Infringement Checker